Agri Trade Fair 2017
Sa unang araw ng pagdiriwang ng Linggo ng Magsasaka, ginanap ang Agri
Trade Fair sa Himnasyo ng Talavera, Nueva Ecija nitong ika-9 ng Mayo, taong
kasalukuyan. Ito ay pinangunahan ng Pamahalaang Lokal ng Talavera sa
pakikipagkoordinasyon ng Municipal Agriculture Office.
Sa pambungad na mensahe ni Municipal Administrator Nerito L. Santos,
kanyang pinuri ang mga magsasaka sa kanilang pagsisikap at sa mataas na ani ng
mga palay at gulay. Ayon sa kanya, ang Linggo ng Magsasaka ay isang mahabang
selebrasyon para sa mga magbubukid at magtutumana sa patuloy nilang
pagpapahalaga sa larangan ng Agrikultura. Hinikayat niya na mas kilalanin ang
kontribusyon ng mga magsasaka dahil malaki ang naging tulong nila sa mga pag-unlad
na naganap sa Bayan ng Talavera.
Matapos nito, nagbigay ng inspirasyonal na mensahe si Mayor Nerivi Santos
Martinez. Ayon sa kanya, maganda ang pagbubukas ng selebrasyon ng Linggo ng
Magsasaka dahil sa magandang ani ng ating mga magbubukid. Dahil sa mabuting
relasyon ng Pamahalaan at mamamayan, hindi malayong mas mapalago ang
agrikultura at mas mapalago ang ekonomiya. Ito ang pundasyon na maaaring maging
daan sa ating pagiging lungsod.
Upang magpasalamat sa lahat ng sumuporta, naghandog ang Pamahalaang
Bayan ng Talavera ng tatlong (3) yunit ng handtractor sa Barangay Dinarayat, Bugtong
na Buli at Pula. Pinagkalooban naman ng 120 heads ng kambing at 1,500 heads ng
manok ang mga magsasaka na nakiisa sa programa. Nagpasalamat si Mayor Nerivi sa
lahat ng nakiisa sa exhibit at sa lahat ng dumalo, at inaasahang makikiisa ang lahat sa
buong linggo ng pagdiriwang ng pista.
(MALR)