
Ambulansya, Handog ng PCSO
Ang pamahalaang lokal ng Talavera ay nabiyayaan ng isang yunit ng ambulansya, mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong ika-10 ng Abril 2017. Ang handog na yunit ay parte ng PCSO Ambulance Donation Program na naglalayong makapagbigay ng tulong sa iba’t ibang institusyon gaya ng munisipalidad.
Nitong ika-11 ng Abril, ganap nang binasbasan ang handog na ambulansya sa pangunguna ni Rev. Fr. Aldrin Domingo kasama si Mayor Nerivi Santos Martinez. Sa pamamagitan nito, inaasahan na mabibigyan ng mas mabilis na serbisyo publiko ang ating mga kababayan na may sakit. Ang handog na yunit ay isang malaking tulong sa mga programang pangkalusugan ng Bayan ng Talavera.
Ang nasabing ambulansya ay may positibong epekto sa komunidad at sa pamahalaan sa pag-unlad ng bayan sa aspetong pangkalusugan. Dahil sa handog na ito, mas mapabibilis ang paglipat ng mga pasyente kung kinakailangan lalo na sa mga lugar na malayo sa mga ospital at pagamutan.
Prayoridad ng pamahalaang lokal ng Talavera ang kalusugan at kapakanan ng mamamayan kaya’t malugod na ipinababatid ni Mayor Nerivi ang pasasalamat sa PCSO, sa kanilang handog na yunit at sa kanilang mahalagang kontribusyon sa larangan ng kalusugan.
(MALR)