Skip to main content

Araw ng mga Lingkod Bayan

Ipinagdiwang ng Lokal na Pamahalaan ng Talavera ang ika-117 taong anibersaryo ng Philippine Civil Service, sa Himnasyo ng Bayan nitong ika-4 ng Setyembre, taong kasalukuyan. Ang pagdiriwang ay may temang “Tugon sa Hamon ng Pagbabago, Malasakit ng Lingkod Bayan”.

Ito ay araw ng pagbibigay-pugay sa kagalingan ng bawat kawani at sa kanilang paghahatid ng epektibong serbisyo sa bayan. Gayundin ang pasasalamat kay Mayor Nerivi Santos Martinez na larawan ng isang lider na patuloy na nag-aangat ng antas ng buhay at nagbibigay ng malasakit sa taong bayan. Ang lahat ay may kontribusyon sa pagdiriwang dahil ang bawat isa ay mayroong papel na ginagampanan sa pag-unlad ng bayan.

Patunay dito ang mga kawani na binigyan ng pagkilala ng Lokal na Pamahalaan ng Talavera. Ito ay dahil sa kanilang katapatan at maayos na pagganap sa kanilang mga tungkulin. Pinarangalan ng “Loyalty Award” sina Gng. Chona Salazar, Gng. Luzviminda Pineda, Gng. Theresa Jimeno, Gng. Evina Pablo, Gng. Jennifer Bagtas, Gng. Mario Balmater, G. Jose Pancho, Gng. Clarita Nuñez, Gng. Anicetas Amoroso, Gng. Lilia Javier, Gng. Evelyn Mangalili at Gng. Priscilla Corpuz. Ang pagkilalang ito ay iginawad sa mga kawani na naglingkod sa pamahalaan sa loob ng tatlumpu hanggang tatlumpu’t siyam (30-39) na taon. Kinilala naman bilang “Natatanging Kawani 2017” si Allan Antonio sa kanyang dedikasyon sa paglilingkod sa bayan. Nagkamit din ng special award si Gng. Niña Agrave na tumanggap ng sertipikasyon ng pagkilala.

Pinasalamatan ni Mayor Nerivi ang bawat kawani at ang buong miyembro ng Sangguniang Bayan na kanyang katuwang sa isang mabuting paglilingkod sa bayan. Ang bawat isa ay nagsisikap upang makapagbigay ng tunay at mahusay na serbisyo na nagbubunga ng mga parangal sa pamahalaan. Ipinaalala ni Mayor Nerivi sa lahat na upang magawa ang trabaho ng maayos, kinakailangan ng samahang maayos. Isang malaking pagsubok sa pamahalaan ang pagbibigay ng malasakit sa taong bayan kaya’t hinikayat niya ang lahat na magsama sama upang ang lahat ng ito ay patuloy na maisakatuparan.

(MALR)

Official Website Talavera Municipality