Skip to main content

Art Contest, Tampok sa Fire Prevention Month

Ang Fire Prevention Month na ipinagdiriwang tuwing buwan ng Marso, ay may layuning maitaas ang antas ng kamalayan at makapagbigay kaalaman sa bawat isa upang mapababa ang kaso ng sunog sa Pilipinas. Marso rin ang isa sa mga buwan na may pinakamataas na kaso ng sunog na naitatala sa buong taon at sinasabing isa sa mga buwan na may pinakamainit na panahon.

Ang wastong kaalaman ng bawat komunidad ay isa sa mga mabisang paraan upang maiwasan ang sunog. Ito ay maaaring mabigyan ng solusyon sa pamamagitan ng maigting na pag-iingat at pagsunod sa mga tamang paraan upang ito ay maiwasan.

Dahil sa layuning maipakalap ang wastong kaalaman sa larangang ito, nagsagawa ang Bureau of Fire Protection (BFP) Talavera Fire Station sa pangunguna ni Fire Inspector Catalino Valdez Jr. kasama ang Lokal na Pamahalaan ng Talavera ng isang Art Contest para sa mga mag-aaral ng elementarya at sekondarya. Ito ay ginanap sa Walter Mart, Talavera, Nueva Ecija noong ika-2 ng Marso, taong 2018.

Ang palatuntunan ay naaayon sa tema ngayong taon na, “Ligtas na Pilipinas, ang Ating Hangad, Pag-iingat sa Sunog sa Sarili Ipatupad”. Ang patimpalak ay may apat na kategorya na binubuo ng Drawing Contest, Essay Writing Contest, Photo Contest at Poster Making Contest. Nitong ika-5 ng Marso ay ginawaran ng BFP-Talavera at Lokal na Pamahalaan ng Talavera ng medalya at sertipiko ang mga nanalo.

Sa Drawing Contest, nakuha ni Chariz Ivy Depigan ng Talavera Central School ang unang pwesto, habang ang ikalawang pwesto naman ay nakuha ni Elizha Jhelieane Tactaquin ng Lomboy Elementary School. Ang pangatlong pwesto ay mula sa Calipahan Elementary School na si Angel Mei Alvares.

Sa Essay Writing na kategorya na para sa mag-aaral ng sekondarya ay nakuha ni Jane Paulene Nagve ng Talavera National High School ang unang pwesto samantalang ang ikalawang pwesto naman ay nakuha ni Renalyn De Villar ng Tabacao National High School. Wagi sa ikaltong pwesto si Justine Mae Feliciano ng Talavera National High School.

Para sa Photo Contest, nakuha ni Coleen Gem Caballero mula sa San Ricardo National High School ang unang pwesto at ang pangalawang pwesto ay nakuha ni Celso Mapili, Jr. na mula rin sa parehong paaralan. Samantalang ang ikatlong pwesto naman ay nakuha ni Mary Joyce Manuel ng Talavera National High School. Sa kategoryang Poster Making, wagi sa unang pwesto si Shella Joy Maniaul ng Talavera National High School habang ang ikalawang pwesto naman ay nakuha ni Eljhon Vergamos ng Tabacao National High School. Ang ikatlong pwesto ay nakuha ni Ranchie Ambita ng Tabacao National High School.

Sa pamamagitan ng patimpalak na ito, maipahahayag ng bawat kabataan ang kanilang ideya at paraan upang makaiwas sa sunog at nagbibigay-daan upang maturuan ang bawat kabataan ng wastong kaalaman tungkol dito. Ang Lokal na Pamahalaan ng Talavera, kasama ang BFP-Talavera ay patuloy na gumagawa ng mga hakbang at programa para sa ikabubuti ng bawat komunidad at tungo sa isang handa at ligtas na bayan. Mula kay Mayor Nerivi Santos Martinez ang isang mainit na pagbati sa lahat ng nanalo.

MALR

Official Website Talavera Municipality