
ATONE, Nagpulong sa Talavera
Ginanap ang kauna-unahang pagpupulong ngayong taon ng Association of Tourism Officers of Nueva Ecija (ATONE) nitong ika-10 ng Abril taong kasalukuyan sa Mayor’s Hall, Talavera, Nueva Ecija. Dumalo sa pagpupulong ang presidente ng ATONE na si Darmo Escuadro, Tourism Operations Officer Cristina Rodriguez at iba pang tourism officers ng Nueva Ecija, Pinag-usapan sa pagpupulong ang mga dokumentong kailangang isumite sa Provincial Office tulad ng Tourist Arrivals, Tourist Development Plan at mga proyekto at gawain ngayong taon.
Nagbigay ng paunang mensahe si Mr. Sonny Maniquis, Municipal Tourism Office head ng Talavera at sinundan ng pambungad na mensahe ng presidente ng ATONE na si Mr. Darmo Escuadro. Ayon sa kanya, nakatutuwang natuloy ang pagpupulong sa kabila ng dami ng proyekto. Inihayag niya ang plano para sa Nueva Ecija na Farm Tourism School at sinabing magiging maganda ito para sa bawat munisipalidad at inaasahan ang pagkakaisa ng lahat upang maging matagumpay ito. Sinundan ito ng mensahe ni Ms. Edith Jongo, tungkol sa kasaysayan at pag-unlad na naganap sa Bayan ng Talavera mula sa termino ni Administrator Nerito L. Santos noong 2004 hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Mayor Nerivi Santos Martinez.
Matapos nito, nagkaroon ng isang presentasyon na pinangunahan ni Ms.Cristina Rodriguez, na may temang Intergrative Cancer Care Approach Personalized Care Plan. Ito ay iniuugnay sa programa ng gobyerno na Farm Tourism Development Act 2016 dahil sa dumaraming bilang ng kaso ng mga magsasakang may Cancer. Ang nasabing batas ay siyang naging tema sa pagpupulong. Ito ay naglalayong makapagpatayo ng isang Farm Tourism School sa bawat isang munisipalidad at magkaroon ng masustansiyang pagkain ang mga Pilipino sa hapag.
Sa huli, pinasalamatan ng Municipal Tourism Office na siyang nanguna sa pagpupulong ang lahat ng dumalo. Nakikiisa ang Pamahalaang Lokal ng Talavera sa programa ng gobyerno at nagbibigay suporta sa Farm Tourism School na balak itayo sa Barangay Caaninaplahan.
(MALR)