
Bagong Buhay Para sa mga Reformist
Sa sama-samang pagsisikap nina Mayor Nerivi Santos Martinez kasama ang Talavera Police Station, mga pribadong sektor at religious sectors ay matagumpay na nagtapos ang tatlumpu’t dalawang (32) reformists sa Bahay Bagong Buhay Reformation Center, Brgy. Sampaloc, Talavera, Nueva Ecija noong Agosto 29, 2018.
Ang pagsasanay ng ika-anim na pangkat ng reformists ay tumagal ng sampung araw. Bahagi ng reformation program ang spiritual, psychosocial at physical activities maging livelihood seminars upang mahasa ang kanilang kakayanan, mawala sa kanilang mga isip ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot at madagdagan ang kanilang kaalaman sa masamang epekto nito sa kanilang sarili maging sa kanilang mga pamilya. Handog naman ng pamahalaang bayan ang kanilang pagkain sa kabuuan ng programa.
Pinangunahan ni Municipal Administrator Nerito L. Santos ang graduation ng mga reformist kasama ni PSupt. Joe Neil Rojo, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, ilang kapitan at religious sector. Upang masiguro ang patuloy na pagbuti ng mga reformist, nakahanda ang aftercare programs ng pamahalaang bayan sa pakikipagtulungan ng religious at private sectors sa ilalim ng Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC). Kabilang dito ang pagbibigay ng employment opportunities, livelihood programs at patuloy na pagkonsulta sa kanilang kalagayan matapos ang reformation.
Ang programang ito ay isang malaking oportunidad upang tuluyang mabago ang kanilang buhay at muli silang manumbalik sa kanilang pamilya at komunidad. Layong maipagpatuloy ang programa para sa mga kababayang naligaw ng landas kasama ang mithiing sila ay magkaroon ng isang magandang kinabukasan at magamit ang oportunidad na ito upang sila ay tuluyan nang mapabuti at magbago.
Patuloy ang magandang resulta ng programang ito lalo pa at ito na ang ika-anim na pangkat ng reformists na sumailalim sa repormasyon. Patuloy din ang pagsisikap ng pamahalaan na tuluyan nang maging drug cleared ang bayan ng Talavera at mas pag- igtingin ang pagsasagawa ng reformation program sa susunod pang panahon.
Nagsilbing mensahe ng programa ang pagpapahalaga sa buhay ng bawat mamamayan sa kabila ng mahigpit na kampanya ng bayan sa ilegal na droga sa kagustuhang sila ay magkaroon ng pagkakataon upang magbago at manumbalik sa lipunan. Ang bawat isang nagtapos ay patunay na ang pag-asa at pagbabago ay makakamit kung magtutulong tulong ang bawat miyembro ng ating lipunan.
Mula kay Mayor Nerivi ang isang taos pusong pagbati sa lahat ng nagtapos!
MALR