Skip to main content

Bahay Bagong Buhay

Bahay Bagong Buhay

Sa unang araw ng Marso, ganap na binuksan ang Bahay Bagong Buhay Reformation Center, sa Sampaloc, Talavera, Nueva Ecija. Ito ay hatid ng pamahalaang lokal ng Talavera, sa koordinasyon ng Talavera Police Station.

Ang pagbubukas ng Bahay Bagong Buhay ay naglalayong makatulong at makapagpabago ng buhay ng drug reformists. Sa pagtutulungan ng pamahalaang lokal, national at Non-Governmental Organizations (NGOs), naging matagumpay ang pagbubukas ng programa upang magabayan ang labing walong (18) reformists tungo sa pagbabago ng kanilang buhay.

Ayon kay Police Superintendent Leandro Novilla, ang ginagawang pagbabago sa tulong ng mga ahensya ay sampung porsiyento (10%) lamang dahil sa pag-agapay, at ang kabuuang siyam napu (90%) ay manggagaling sa sabay sabay na pagsisikap ng mga reformist, dahil sa kanila nakasalalay ang tagumpay ng programa. Ang Bahay Bagong Buhay ang natatanaw na pag-asa tungo pagbabago, ayon naman kay ABC President Fedelito Santiago. Inaasahan niya na makikipagtulungan ang bawat isa upang maging isang drug-free municipality ang Talavera.

Kaisa si Mayor Nerivi Santos-Martinez na sumusuporta sa programang ito. Handa ang pamahalaang lokal ng Talavera na magbigay ng pagkakataon sa bawat isa, dahil ang bawat mamamayan ay may puwang sa pamahalaan. Ang pagmamahal at pagmamalasakit na ibinibigay ng pamahalaan ay katulad ng isang ilaw ng tahanan na hindi nagsasawang umunawa at magbigay ng pagkakataon sa kanyang mga anak na tanggap ang nagawang pagkakamali at walang alinlangang magbago.

Ang Bahay Bagong Buhay ay handang kumalinga sa unang pangkat ng reformists sa loob ng sampung (10) araw bilang paunang bahagi ng programa at ang susunod na bahagi ay ang pagbibigay ng training at dagdag kaalaman kasama ang TESDA. Dito inaasahang magbabago ang buhay ng bawat isa sa pamamagitan ng iba’t ibang programa, madagdagan ang kanilang kaalaman at higit sa lahat, mas mapagtibay ang kanilang pananampalataya sa Diyos.

Official Website Talavera Municipality