Skip to main content

DWNE – Bayan ng Talavera Maglulunsad ng Sibuyas sa Paso Urban Gardening Project

BAYAN NG TALAVERA MAGLULUNSAD NG “SIBUYAS SA PASO” URBAN GARDENING PROJECT
MAUREEN PAGARAGAN
Walong barangay ang una nang sinasanay ng Pamahalaang Bayan ng Talavera sa pamumuno ni Mayor Nerito Santos Jr upang maging bahagi ng Proyektong “Sibuyas sa Paso” na ilulunsad sa buwan ng Marso sa nasabing bayan.
Ayon kay Mayor JR Santos ang proyekto ay isang napapanahong diskarte ng Pamahalaang Bayan ng Talavera para magbigay kaalaman at maimulat ang kaisipan ng bawat isa sa kahalagahan ng pagtatanim. Hindi umano kailangan ng malaking lupain dahil kahit sa paso ay mayroong pwedeng itanim at anihin lalo na ang sibuyas na lubhang mataas ang presyo sa kasalukuyan.
Ipinaliwanag naman ni Vice Mayor Nerivi Santos-Martinez na bahagi rin ito at pagpapatuloy ng kanyang flagship program na “Gulayan sa Barangay, Paaralan at Bakuran Project” na sinimulan niya noong 2013 sa kanyang tatlong terminong panunungkulan bilang punong ehekutibo ng bayan bago ang termino ni Mayor Jr.
Kamakailan nga ay isinagawa na ang onion-seedlings planting activity sa greenhouses ng bayan ng Talavera nina Mayor Jr. Santos at Vice Mayor Nerivi kasama ang walong punong Barangay ng Talavera na kasama sa nasabing proyekto. Ito ang mga barangay ng San Pascual , Matias District, Pulong San Miguel, Maestrang Kikay, Pag-asa, Marcos, Poblacion Sur, Andal Aliňo, at Esguerra. Sa susunod na buwan, maari nang ilipat sa paso ang mga seedlings.
Tinatayang ang paglulunsad ng proyektong “Sibuyas sa Paso” ay sa Marso 3. Sa Abril masusuri n a kung epektibo ang proyekto kasabay ng paggagawad naman ng parangal sa pagdiriwang ng “Linggo ng Magsasaka.”

Official Website Talavera Municipality