
Echague, Naglakbay-Aral sa Talavera
Nagsagawa ng isang lakbay aral ang Pamahalaang lokal ng Echague, Isabela sa Bayan ng Talavera nitong ika-7 ng Abril 2017. Layunin ng lakbay aral na mabisita ang mga programa sa Bayan ng Talavera upang magkaroon ng ideya ang mga bisita na maaari nilang ipatupad sa kanilang bayan.
Ang lakbay aral ay sinimulan ng isang presentasyon na isinagawa ni Mayor Nerivi Santos Martinez. Tinalakay dito ang Business Ones Stop Shop (BOSS) ng Business Permits and Licensing Office (BPLO) maging ang mga naganap na pag-unlad sa Bayan ng Talavera at mga negosyong nakatayo rito.
Matapos ang presentasyon, nagtungo ang mga bisita sa barangay Matias at Pag-asa upang bisitahin ang gulayan sa barangay at ang gulayan sa bakuran sa Barangay Calipahan at San Pascual. Ito ay kaugnay ng “Saganang Gulay, Saganang Buhay” na programa ng Pamahalaang Lokal ng Talavera na naglalayong makapagbigay ng masustansyang pagkain sa mamamayan. Sinundan ito ng pagbisita sa farm ni Mr. Reynaldo Hilario, ang Magsasaka Siyentista ng Talavera, sa Barangay Caaninaplahan.
Naging maayos at matagumpay ang lakbay aral kasama ang Pamahalaang Lokal ng Echague at ayon sa kanila, marami ang napulot nilang aral lalo na sa agrikultura. Ipinahayag nila ang kagustuhang magawa ang katulad na programa sa kanilang bayan gaya ng gulayan sa barangay maging ang pagbibigay ng mga pananim upang makatulong sa mga mamamayan. Masayang binati ni Mayor Nerivi ang mga naglakbay aral at sa huli, nagpasalamat siya sa pagbisita ng Pamahalaang Lokal ng Echague at sa interes ng bayan sa mga programa ng Pamahalaang Lokal ng Talavera.
(MALR)