ESA Para sa Biktima ni Lando
ESA Para sa Biktima ni Lando
Handog ng pamahalaang lokal ng Talavera sa koordinasyon ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang Emergency Shelter Assistance (ESA) para sa ating mga kababayan na nasalanta bunsod ng paghagupit ng Bagyong Lando noong 2015. Ang ESA ay tulong pinansyal na ibinibigay ng pamahalaan sa mga biktima ng kalamidad. Ito ay naglalayong makatulong sa ating mga kababayan sa pagsasaayos ng kanilang mga tahanan.
Sa tala ng MSWDO, Limampu’t siyam (59) ang nakatanggap ng Php32, 620 para sa mga totally damaged houses at 1013 ang nakatanggap ng Php11, 310 para sa partially damaged houses. May kabuuang 1072 biktima ng Bagyong Lando ang nakatanggap ng benepisyo noong ika-16 ng Pebrero. Ang Php13, 000, 000 na pondo ay mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nagsagawa ng isang pagsusuri ang MSWDO at DSWD sa pagpili ng mga makatatanggap ng benepisyo at ginawa nilang batayan ang mga larawan ng mga bahay na nasalanta. Ang nasabing benepisyo ay malaking tulong upang maisaayos ang mga nasirang tahanan ng ating mga kababayan. Sa pagsisimulang muli ng isang pamilya, kaagapay ng mga mamamayan ang pamahalaang lokal ng Talavera na handang tumulong sa pagpapabuti ng buhay ng bawat isa.