Gabay Negosyo sa Pag-asenso
Sa pangunguna ng Municipal Cooperative and Entrepreneurship Development Office (MCEDO) kasama ng Department of Trade and Industry (DTI), naghandog ang Lokal na Pamahalaan ng Talavera ng Basic Skills Training on Beadworks and Fashion Accessories para sa mga kababaihan nitong ika-2 hanggang 3 ng Oktubre, 2017 sa Mayor’s Hall, Talavera, Nueva Ecija. Ito ay dalawang araw na pagsasanay mula sa Small Medium Enterprise Roving Academy (SMERA) na programa ng DTI.
Ayon kay Senior Trade and Industry Development Specialist Maria Odessa R. Manzano, prayoridad ng DTI na magsagawa ng mga skills training sa bayan ng Talavera dahil maraming kababaihan dito ang interesado sa pagnenegosyo. Aniya, nagiging madali ang pagsasagawa ng mga programa sa Talavera dahil ang pinaggaganapan ng mga training ay malinis, komportable at malaki ang espasyo. Para sa kanya, malaking tulong na buo ang suporta ni Mayor Nerivi Santos Martinez sa mga proyektong nakatutulong sa taong bayan.
Sa kabuuan, tatlumpung (30) kababaihan ang sumailalim sa pagsasanay na binubuo ng mga kababaihan at kabataang mula sa iba’t ibang barangay ng Talavera. Kasama rin sa pagsasanay ang ilang kawani ng Lokal na Pamahalaan ng Talavera na interesado sa paggawa ng bag, keychains at bracelet. Ang mga produktong ito ay maaari nilang ibenta upang maging simula ng kanilang pagkakakitaan.
Layunin ng programa na makapagbigay ng basic skills training sa mga mamamayang interesado sa pagnenegosyo at matulungang mapalago ang mga Micro Small and Medium Enterprises (MSMEs). Bukod sa beadworks at fashion accessories, nakapaghandog na rin ng pagsasanay tungkol sa paggawa ng sabon ang DTI sa mga mamamayan ng Talavera noong nakaraang Hulyo. Katuwang ang DTI, ang Pamahalaang Lokal ng Talavera ay patuloy na maghahandog ng skills training sa Bayan ng Talavera upang makatulong sa mga mamamayang nais makapagsimula ng kanilang negosyo. Ang basic skills training ay isang paraan ni Mayor Nerivi Santos Martinez na mabigyan ng alternative livelihood ang mga kababaihan upang maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay.
(MALR)