Skip to main content

Gatas ng Kalabaw Festival sa Talavera

Muling ginanap sa Bayan ng Talavera ang Gatas ng Kalabaw Festival nitong ika-9 ng Mayo, 2018 sa pangunguna ng Department of Trade and Industry (DTI), Philippine Carabao Center (PCC), Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Agriculture (DA) at Pamahalaang Bayan ng Talavera. Ang programang ito ay kasabay ng pagdiriwang ng Linggo ng Magsasaka 2018 bilang paggunita sa Kapistahan ng Patron ng mga magsasaka, San Isidro Labrador.

Sa temang: “Masaganang Buhay ng Magsasaka sa Maunlad na Bayan ng Talavera”, ang selebrasyon ay isinagawa bilang pagbibigay-pugay at pagkilala sa mga magsasaka sa bayan. Kasama ni Mayor Nerivi S. Martinez, Vice Mayor Anselmo Rodiel III, mga miyembro ng Sangguniang Bayan at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan, ilan sa mga bisitang dumalo ay sina Department of Trade and Industry (DTI) Provincial Director Brigida Pili, Dr. Eva Fernando ng Department of Agriculture – Field Office III (DA- FOIII), Philippine Carabao Center (PCC) Executive Director Dr. Arnel N. Del Barrio at Board Member Belinda “Baby” Palilio.

Sabay-sabay na ininom ng mga panauhin at limampung (50) mag-aaral mula sa Day Care ang masustansyang gatas ng kalabaw na simbolo ng kahalagahan nito sa kalusugan ng tao at ang malaking ambag nito sa kabuhayan ng bawat magsasaka sa “Tagay-Pugay” o Toast of Salutation.

Pinakatampok sa 12th Gatas ng Kalabaw Festival ang naging ceremonial slicing ng dambuhalang kesong puti na pinangunahan ni Mayor Nerivi. Matapos ay pinagsaluhan ito ng mga panauhin kasama ang mainit na pandesal. Ang kesong puti ay may sukat na 180cm x 112cm at may taas na 4cm. Ito ay may kabuuang timbang na 400 kilo mula sa purong gatas ng kalabaw na gawa ng PCC.

Bilang OTOP o One Town, One Product ng Talavera, bibigyan pa ng masusing pokus ang dairy farming upang mas lalong maiangat ang estado at makilala ang Talavera kasama ng mga kakambal na produkto nito. Masayang ibinalita ni Mayor Nerivi na sa susunod na taon, ipagdiriwang ang Kesong Puti Festival sa Bayan ng Talavera at susubukang ihanda ang pinakamalaking kesong puti sa buong Pilipinas sa tulong ng PCC at mga magkakalabaw sa Bayan ng Talavera. Sa suporta ng pamahalaang bayan at iba’t ibang sektor, tiyak na mas marami pang benepisyo ang maibibigay sa mga magsasaka upang mas mapaunlad at mapalakas ang dairy industry na kanilang pangunahing hanapbuhay.

MALR

Official Website Talavera Municipality