Ilaw sa Kinabukasan
Ipinagdiwang ng Bayan ng Talavera ang Earth Hour noong ika-25 ng Marso 2017 sa Talavera Municipal Gym. Ito ay isang aktibidad pangkalikasan na ipinagdiriwang sa buong mundo. Ang tema para sa taong ito ay “Shine a Light on Climate Action”. Layunin ng programang ito na mahikayat ang komunidad, kabahayan at bawat isa na magpatay ng ilaw sa loob ng isang oras bilang simbolo ng pagpapahalaga sa ating mundo.
Ganap ngang naging matagumpay ang isinagawang Earth Hour matapos makiisa ang lahat at sabay sabay na pinatay ang mga ilaw mula 8:30 hanggang 9:30 ng gabi. Sa simpleng aksyong ito, nakapaghatid ng isang matinding mensahe ang bawat isa tungkol sa pangangailangan ng solusyon sa lumalalang problema sa kapaligiran.
Sa pamamagitan nito, maaari nating mapatunayan na posible tayong makapagsindi ng liwanag at pag-asa sa gitna ng dilim. Malaki ang papel na ginagampanan ng mga kabataan sa pagsulong ng tema ngayong taon. Inaasahang ang lahat ay magiging lider sa hinaharap ukol sa paggawa ng hakbang upang masolusyonan ito at maging ehemplo sa pagsulong ng kalinisan sa kapaligiran. Sa ganitong sitwasyon, ang pagtutulungan ng bawat isa ay mahalaga upang makamit ang tagumpay.
Higit sa isang simbolo, ang Earth Hour ay naglalayong makapaghatid ng maayos na solusyon sa paglala ng pagbabago ng klima at isyu sa kapaligiran. Sa bawat pagpatay ng ilaw ay may hatid na liwanag sa kinabukasan ng bawat isa. Ito ang tamang oras upang manguna at kumilos. Hindi gugustuhin ng bawat isa na ang mga pangarap ng mga susunod pang henerasyon ay mawala lamang kasabay ng pagkasira ng kalikasan. Tayong naninirahan sa mundo ang sanhi ng pagbabago ng klima, kaya tayo rin ang may kakayahang lumutas nito. Inaasahan ang pagtutulungan ng bawat isa at nawa’y huwag nating hayaan na maging mas malaki ang epekto ng pagkasira ng kalikasan kaysa sa mundong ating tirahan.
(MALR)