Iskolar ng Bayan
Walong daan at dalawampu’t siyam (829) na iskolar mula High School at isang daan at pitumpu’t dalawang (172) iskolar sa kolehiyo ang dumalo sa ginanap na Orientation of Scholars nitong ika-28 ng Agosto, taong kasalukuyan sa Himnasyo ng Bayan ng Talavera, Nueva Ecija. Ang oryentasyon ay dinaluhan ni Mayor Nerivi Santos Martinez, Vice Mayor Anselmo B. Rodiel III, Konsehal Blessie Fermin Casas, Konsehal Amador Allan Reyes at Konsehal Nel Rayo.
Ikinagagalak na makita ni Mayor Nerivi ang mga bagong iskolar ng Lokal na Pamahalaan ng Talavera kasama ang mga dati nang nakatatanggap ng allowance. Dahil sa tumataas na bilang nila, nakatutuwang malaman na malaki ang pagpapahalaga ng mga kabataan sa edukasyon. Naniniwala si Mayor Nerivi na ang edukasyon ay solusyon sa kahirapan. Higit niyang ipinagmamalaki ang mga estudyante dahil sila ay nagsisilbing inspirasyon sa mga kabataang lubos ang pagtitiyaga at pagsisikap para sa kinabukasan.
Ang pagbibigay ng allowance sa mga iskolar ay sinimulan ni dating mayor, Municipal Administrator Nerito L Santos taong 2007 at ipinagpapatuloy ni Mayor Nerivi na naglalayong makapagbigay ng tulong pinansyal sa mga kabataan. Ito ay malaking tulong sa mga magulang lalo na sa pangtustos ng kanilang mga anak sa libro at iba pang gamit pang paaralan. Sa pamamagitan ng programa ng Lokal na Pamahalaan ng Talavera, ang pagbibigay ng allowance sa mga iskolar ay nagbubukas ng isang oportunidad tungo sa isang maayos na edukasyon. Ang bawat iskolar ay mabibigyan ng P1,500 para sa mga magaaral na nasa High School at P2,500 naman bawat semestre sa mga iskolar na kolehiyo.
Tunay na malapit ang puso ni Mayor Nerivi sa mga estudyante at katulad nila, malaki ang pagpapahalaga niya sa edukasyon. Ang programang ito ay nagsisilbing inspirasyon para sa mga kabataang may pangarap sa buhay at nakatutulong sa pagkamit ng isang dekalidad na edukasyon na nararapat maibigay sa bawat magaaral.
(MALR)