Skip to main content

Isulong, Luntiang Kapaligiran

Nagsama-sama sa isang malawakang pagtatanim ng puno si Mayor Nerivi Santos Martinez, mga kapitan ng barangay kasama ang kanilang mga konsehal, Sangguniang Kabataan (SK), ilang paaralan gaya ng Talavera National High School, Tabacao National High School, Sibul National High School, San Ricardo National High School, Renato E. Herrera (REH) Montessori College at Schola Christi sa pagdiriwang ng Arbor Day 2018, noong Hunyo 25, 2018. Ang gawaing ito ay bahagi ng paghahanda sa gagawing Ecological Solid Waste Management Park sa lumang dumpsite na matatagpuan sa Brgy. Bagong Silang.

Sa pangunguna ng Municipal Environment and Natural Resources (MENRO), sabay sabay na itinanim ang iba’t ibang uri ng puno sa lugar tulad ng kasuy, bayabas, guyabano, langka, malunggay, madre de cacao, ilang-ilang at champaca.

Sa pamamagitan ng iba’t ibang programang pang kalikasan ng Lokal na Pamahalaan ng Talavera tulad ng pagtatanim ng puno, nagagawa nitong protektahan ang ating Inang Kalikasan at dahan-dahang maibalik ang ganda ng ating mundo. Isa ito sa mga paraan upang masiguro ang isang magandang kinabukasan para sa mga kabataan at sa susunod pang henerasyon.

Ang gawain ay nagsilbing paalala ng mahalagang papel na ginagampanan ng mga punongkahoy sa ating kapaligiran, ng malaking responsibilidad ng bawat isa upang pangalagaan ang mga ito at ng magandang epekto ng pagtatanim ng puno sa bawat komunidad. Layunin ng gawain na hikayatin ang mga mamamayan na magtanim ng iba’t ibang uri ng halaman upang muling maging luntian ang ating kapaligiran.

Lubos na nagpapasalamat si Mayor Nerivi Santos Martinez sa lahat ng nakiisa sa gawain. Ang pagkakaisang ito ay nagpapahayag ng malasakit ng taong-bayan sa ating Inang Kalikasan. Ito rin ay patunay ng magagandang hakbang ng pamahalaan at ng bawat komunidad upang mapangalagaan at mapagyaman ang ating daigdig sa kabila ng pagbabago ng klima.

Ang gawain ay pagtugon sa Proclamation 643 kung saan isinusulong ang partisipasyon ng mga ahensya ng gobyerno, pribadong sektor, paaralan at civil society groups na isagawa ang Philippine Arbor Day tuwing Hunyo 25 sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga punongkahoy upang maisulong ang importansya ng mga ito sa kapaligiran maging sa mamamayan.

MALR

Official Website Talavera Municipality