
Kabalikat sa Kabuhayan sa Talavera
Mahigit isang daang (100) magsasaka ng Talavera, kasama ang limampung (50) benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang sumailalim sa Rural Farmers Training Orientation sa ilalim ng Kabalikat sa Kabuhayan (KSK) Program ng SM Foundation, Inc. (SMFI) noong ika-10 ng Agosto, 2018 sa Brgy. Caaninaplahan, Talavera, Nueva Ecija.
Katuwang ang Harbest Agribusiness Corporation, Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD)at Pamahalaang Bayan ng Talavera, layunin ng programa na maturuan ang mga kalahok ng wastong produksyon ng high value crops atpagtatanim ng iba’t ibang klase ng gulay. Magkakaroon din sila ng aktuwal na pagsasanay tungkol sa organic farming. Malaking suporta saprograma ang pagbabahagi ng kalahating ektarya ng bukid ni Mr. Reynaldo Hilario, pangulo ng Talavera Unlad Farmers Association, upang magamit sa pagsasanay.
Ang programa ay nagbibigay daan sa pag-unlad ng mga magsasaka sa bayan at sa patuloy na pag-unlad ng agrikultura sa Talavera. Ang pagsisikap ng pamahalaan upang makapagbigay ng wastong pagsasanay sa bawat magsasaka ay hindi lamang makapag-aangat ng antas ng kanilang kakayahan kung hindi pati na rin ng kanilang kaalaman sa paggamit ng mga epektibong paraan sa pagsasaka.
Ayon kay Mayor Nerivi Santos Martinez, maganda ang layunin ng programa dahil hindi lamang ito natatapos sa pagsasanay. Aniya, maaaring matulungan ng SM Foundation ang mga kalahok upang maibenta ang kanilang pananim sa merkado. Dahil sa pagkakaisa ng bawat magsasaka, mas malaki ang kanilang potensyal na kumita at mapaunlad ang kanilang pamumuhay lalo na sa mga benepisyaryo ng 4Ps.
Magtatagal ng labing dalawang (12) linggo ang pagsasanay kasama ang pagtuturo sa kanila ng wastong kaalaman sa pagnenegosyo, tulong pang teknikal sa paggamit ng mga makabagong kagamitan sa pagsasaka, wastong pagbebenta sa merkado ng kanilang mga inani at kaalaman sa wastong paggamit ng kanilang mga kita mula sa pagtatanim.
Kasamang dumalo sa programa sina Konsehal Nel Rayo, SMFI AVP Outreach Ms. Cristie Angeles, Mr. Jojo Reantazo ng Harbest Agribusiness Corp., Mr. Kenneth Sagum ng SMFI, SM Mall PRO Ms. Sheen Crisologo, at Savemore Asst. Store Manager Daryl Lazona. Ang pagsasanay ay magsisimula sa ika-16 ng Agosto at magtatapos sa ika-9 ng Nobyembre, 2018.
MALR