Skip to main content

Kalabasa, Bida sa Cooking Contest

Pitong (7) kalahok mula sa iba’t ibang barangay ng Talavera ang sumali sa ginanap na Cooking Contest nitong ika-10 ng Mayo, 2018 sa pangunguna ng Municipal Agriculture Office (MAO). Ang patimpalak ay parte ng Agri Trade Fair, na pinakatampok sa pagdiriwang ng Linggo ng Magsasaka 2018.

Gamit ang kalabasa bilang pangunahing sangkap, nagpakitang gilas ang mga kalahok sa pagluluto ng iba’t ibang klase ng pagkaing gawa rito. Ibinida nila ang iba’t ibang pagkain tulad ng halayang kalabasa, crispy okoy, fresh kalabasa lumpia, turon kalabasa, maja kalabasa, kalabasa leche flan at kalabasa chips. Nagsilbing mga hurado sina Department of Trade and Industry (DTI) Senior Trade and Industry Specialist Odessa Manzano, Ms. Francisca Guevarra at Ms. Edith Jongo mula sa Lokal na Pamahalaan ng Talavera.

Nagwagi sa panlasa ng mga hurado at taong-bayan ang fresh kalabasa lumpia na ihinanda ni Clarita Bernardo mula sa Brgy. Esguerra. Pumangalawa naman ang turon kalabasa ni Aries Mesina ng Brgy. Dinarayat samantalang nakuha naman ni Feliza Reña ng Brgy. Dimasalang Sur ang ikatlong pwesto sa kanyang ihinandang maja kalabasa. Nagkamit ng consolation prize sina Caridad Balajonda na naghanda ng crispy okoy, ang leche flan na gawa ni Rosalinda Domingo at ang handang halaya nina Isabelita Mangalili at Romelita Magtalas.

Bukod sa bagong paraan ng pagluluto, pagiging malikhain at kakaibang pagkaing maaaring maging negosyo ang naging basehan ng mga hurado sa pagpili ng nagwagi. Naging mataas din ang bilang ng ani nito sa Bayan ng Talavera kaya’t ito ang napiling pangunahing sangkap sa patimpalak. Lubos na nagagalak ang Pamahalaang Bayan ng Talavera sa lahat ng mga nakilahok at nakiisa sa ginanap na Cooking Contest. Mula kay Mayor Nerivi Santos Martinez ang isang mainit na pagbati sa lahat ng nanalo!

Official Website Talavera Municipality