Skip to main content

Kampeon ng Pag-asa sa Kabataan

                    Sa pagbubukas ng Palarong Bayan 2017 na ginanap sa Talavera Gymnasium, nagbigay ng inspirasyonal na pananalita ang isa sa mga panauhing pandangal ng patimpalak mula San Antonio, Nueva Ecija na si Konsehal Renan Ponce Morales.

                      Bukod sa pagiging kilala bilang “Bestfriend ng Bayan”, si Konsehal Renan Morales ay kilala rin sa larangan ng car racing. Siya ay tinanghal na kampeon sa larangang ito, kabilang ang kauna-unahang Pinoy na nagkampeon sa 2005 Asian Ferrari Challenge Cup.

                    Isa sa mga bagay na ibinahagi ni Konsehal Renan ang kanyang mga naging karanasan bago maging isang politiko. Sa murang edad, naranasan niyang gumamit ng ilang ipinagbabawal na gamot. Sa pagdaan ng taon, ginamit niyang inspirasyon ang car racing upang makaiwas sa mga bisyong ito. Matapos nito, pumasok siya sa politika upang makapaglingkod sa mga kababayan at magbigay ng inspirasyon sa lahat gamit ang kanyang sariling karanasan.

                Malaki ang naging suporta ni Konsehal Renan sa Palarong Bayan dahil aniya, “sa pamamagitan ng paglalaro ng basketbol, tiyak na hindi magbibisyo ang mga kabataan”. Nakatanggap ng papuri ang Bayan ng Talavera mula sa kanya sa pagdaraos ng ganitong aktibidad. Sa pagtatapos ng kanyang inspirasyonal na pananalita, pinasalamatan niya ang pamahalaang lokal ng Talavera at si Mayor Nerivi Santos Martinez sa pagkakataong ibinigay sa kanya upang maibahagi ang ilang karanasan. Siya ay isang ehemplo sa mga kabataan sa paniniwalang laging may bukas at laging may pag-asa.

(MALR)

Official Website Talavera Municipality