Skip to main content

Kasaysayan ng Barangay Caaninaplahan

Ang Caaninaplahan, isang nayon ng Hasyenda Jacinto, ay binubuo ng dating naninirahan sa nayon ng Culdit. Nilisan ng mga taga-Culdit ang dati nilang nayon sapagkat sa halip na ipasama na tulad ng dati ay binungkal ang mga bukirin doon sa pamamagitan ng makina ng sumunod na nagmay-aring si Eugenio Baltao.
Taong 1927 nang ang kagubatan ng Caaninaplahan ay pasimulang hawanin ng mga unang namuwisan sa Hasyenda Jacinto. Maraming malalaking punongkahoy ang ibinuwal ng mga magkakaingin na sinisigan nila pagkatapos. Kasama sa pinatay nilang mga puno ang maraming aninapla na siyang dahilan kaya tinawag ni Don Andres Jacinto na “Caaninaplahan” ang dakong ito ng kanyang Hasyenda.
Naging nayon ang Caaninaplahan noong 1933 na ang mga Ilokanong unang nanirahan ay kinabibilangan nina Catalino Dimaya, Teofilo Dupitas, Laureano Vergara, Rufino Sacatrapus, Nicanor Rivera, Mamerto Dupitas, Bonifacio Sambrano, Glicerio Rivera, Maximo Rivera, Quintin Godia, Faustino Discalso, Emiliano Ursua, Arsenio Hilario, Tomas Hilario, Felix Hilario, Felipe Hilario. Florencio Dimaya, Bonifacio Dimaya, Benecio Rivera, Eliseoo de la Cruz, Ireneo Umayam, Francisco Santos, Macario Apolonio, Primitivo Apolonio, Proceso Valenton, Benito Apolonio, Teofilo de la Cruz, Florencio Rivera, Felix de la Cruz, Teodoro Dupitas, Rufino Valdez, Sergio de la Cruz at Catalino de Guzman. Nagbuhat sila sa mga bayan ng Guimba, Cuyapo, Nampicuan at Bongabon at sa mga lalawigan ng Tarlak at Pangasinan. Ang ilang Tagalog na napahalo sa kanila ay nanggaling sa San Miguel at San Ildefonso, Bulakan.
Hindi malilimot ng mga taga-Caaninaplahan ang nayon ng Culdit sapagkat sa pook na yaon, kasama ng mga kalalakihan sa mga karatig-nayon, sila tinipon at sinona ng mga Hapones noong Setyembre 6, 1943. Hindi sila pinatikim ng anumang pagkain sa loob ng dalawang araw at ikatlong araw na nang sila ay palayain. Namatay sa pagkakataong yaon ang tinyente del baryo ng Basang Hamog sapagkat hindi nakatagal sa tinamong pahirap sa kamay ng mga kaaway. Pagkalipas ng apat na araw ay apat na taga-Caaninaplahan ang nagbuwis ng buhay sa mga kawal Hapones. Sa paratang na Hukbalahap ay walang awang pinahirapan at pinatay sina Miguel de la Cruz, Francisco Fernando at Estifanio de los Santos. Si Salvador dela Cruz ay sinigan muna bago pinatay. Upang makapaghiganti, maraming taga-Caaninaplahan ang patuluyang sumama sa mga gerilya at lumikha ng maraming kapinsalaan sa mga Hapones sa iba’t-ibang kaparaanan.
Nang sumapit ang liberasyon nagalak ang mga taga-Caaninaplahan sa pag-asa nilang natapos din ang maligalig nilang buhay. Subalit sila’y nagkamali sapagkat noong 1948 ay nagsimula ang pananalakay ng mga kawal ng Nenita Unit ng PC sa mga taong-labas. Sa pagkakataong ito, sa pagaakalang mga Huk, ay binaril at napatay ang dalawang taga-Caaninaplahan na sina Juan Grospe at Federico Vergara. Pagkatapos ay sinunog ang lahat ng mga tahanan sa Caaninaplahan.
Matagal din panahong ganap na nawalan ng tao ang Caaninaplahan. Kaya lamang muling nakabalik ang mga taga-Caaninaplahan ay nang lubos na manumbalik ang kapayapaan at ang kaayusan ay muling nakita sa lahat ng dako. Hinarap nilang muli ang paggawa sa natiwangwang na mga bukiring pinanggubat ng mga talahib. Kaya’t pagkalipas lamang ng ilang panahon ay muling nalasap ng mga taga-nayon ang dating buhay na matahimik at maligaya.
Sa pagsusumikap ni Catalino Dimaya bilang tinyente del baryo ng Caaninaplahan at ni Gabriel Agustin na siyang punong-nayon ng Caputican, ay nakapagpatayo sila noong 1951 ng isang pansamantalang bahay-paaralang may dalawang silid sa loteng may sukat na isang ektarya na ipinagkaloob ni Dr. Nicanor Jacinto, may-ari ng hasyenda. Sumunod ay isang bahay-paaralang prefab na natamo ng nayon mula kay Gobernador Amado Q. Aleta sa magkalakip na pagpupunyagi nina Catalino Dimaya at Norberto Bartolume, ang humaliling punong-nayon ng Caputican. Sa pamamatnugot pa rin ni Catalino Dimaya at ni Rufino Sacatrapus bilang pangulo ng samahan ng mga magulang at guro ay sinimulang itayo ang isang bahay-paaralang may tatlong silid na yari sa kahoy, yero at hollow blocks noong 1965. Ang konkretong bakod sa isang panig ng bakuran ng paaralan ay kanilang ipinagawa mula sa abuluyan ng mga taganayon. Ang sementadong laruan-bilaran ng palay ay ipinagawa naman ng kasalukuyang Punongbayan Romeo Maliwat.
Bukod kay Catalino Dimaya, kasalukuyang kapitan del baryo, ang iba pang namuno sa nayon bilang tinyente del baryo ay si Estifanio Cayetano, Florencio Genetiano at Mariano Sacatrapus. Ang mga kagawad ng kasalukuyang sanggunian ay sina Rufino Valdez, Eliseo de la Cruz, Bonifacio Sambrano, Tomas Hilario, Faustino Discalso at Buenaventura Ilas. Ang kalihim ay si Ireneo Umayam, ingatyaman si Bonifacio Dimaya at hepe ng pulisya si Vicente de la Cruz. Ang mga pulis-nayon ay sina Isidro Apolonio, Inocencio Sarate at Braulio Mimis.
Nakatapos ng iba’t-ibang karunungan: Pagututuro: Vicente Hilario; Pananahi: Rosita Hilario, Erlida Hilario; Agrikultura: Julio Eblacas, Remedios Sacatrapus, Marylita Umayam; Pagka-Kalihim: Leonardo Dimaya.
Nasa paglilingkod: Bonifacio Dimaya at Nemesio de Jesus, tanggapan ng patubig sa Talavera; Benito Apolonio, pulis-pambayan ng Talavera.
Nagdaraos ng pistang-nayon ang Caaninaplahan kung sumasapit ang ika-14 ng Pebrero na siyang kaarawan ng Patrong Pintakasi ng nayon—si Sta. Barbara.
SOURCE: Libro ng Kasaysayan ng Talavera, Nueva Ecija na sinulat ni TOMAS I. PAGADUAN
#talaveratourism
#talaveraangpusongnuevaecija
#LoveThePhilippines

Official Website Talavera Municipality