Skip to main content

Kasaysayan ng Brgy. Bugtong Buli

Ang Nayon ng Bugtong na Buli ay halos nasa laot ng dako, maliit at hindi pansinin sapagkat hindi karaniwang dinadaanan ng mga sasakyan. Marami ang hindi nakakaalam, subalit sa sinapupunan ng munting nayong ito ginugol ang mga araw ng kamusmusan ng isang batang may patpating pangangatawan na balang araw ay tatanghaling pangunahing anak ng bayang Talavera—si Leopoldo Diaz.
Tinawag na Bugtong na Buli ang nayong ito dahilan sa isang napakataas na puno ng buling pananda at matatanaw nila mula sa aguwat na sampung kilometro saanmang dako. Ang mga unang nanirahan ito ay kinabibilangan nina Emerito Valdez, Exequiel Valdez, Fernando Parungao, Julian Maliwat, Jose de los Santos, Marcelo Soriano, Juan Casimiro, Sesinado Santos, Gregorio Maliwat, Alfonso Baldedara, Regino Reyes, Juan Punzal, at Dionisio Caventa. Naghawan din at nanirahan sa Bugtong na Buli sina Mariano de los Santos, Matias Orena, Ambrosio Angala,Moises Angala, Sabas de la Cruz, Felix Dizon, Graciano Alino,Blas Alino, Cornelio Balajonda, Modesto Cena, at Julio Felipe. At mula naman sa San Rafael, Bulakan at dumating sa nayon noong 1916 ang pagasawahang Dionisio Diaz at Genoveva Dulay kasama ang panganay nilang anak na may patpating pangangatawan—si Leopoldo Diaz naging konsehal, naging punong bayan at naging punong lalawigan. Itinayo ni Dionisio Diaz ang kauna-unahan nilang tahanan sa Talavera ang isang sukat ng lupang kanyang nilinis at ginawang sakahan.
Likas sa mga taga-Bugtong na Buli ang kasipagan at ang paggawa sa lupa ay naging bahagi na ng kanilang buhay. Hindi sila naglilikat sa pagtatanim at pag-aalaga ng iba’t-ibang halaman bukod sa palay na siyang pangunahing pinanggagalingan ng kanilang ikinabubuhay. At bilang bunga nito ay makikitang tabla ay yero ang karamihan sa mga tahanan ngayon sa Bugtong na Buli. At upang maging madali ang pagyayao’t dito ng mga taganayon sa kabayanan at pagdadala ng kanilang inaani sa pamilyan ay ipinaayos ng kasalukuyang Punongbayan Romeo Maliwat ang lansangang dumaraan sa kanilang nayon na kapag dumarating ang tag-ulan ay nagpuputik at napuputol. Pinatambakan niya ito at pinakalatan ng bato ang mahigit na isang kilometrong haba.
Ang mga nagsipagtinyente del baryo sa Bugtong na Buli ay sina Teofilo Pineda, Fernando Parungao, Juan Casimiro, Toribio de Guzman, Regino Reyes, Juan Punzal, At Eliseo de los Santos. Ang kasalukuyang kapitan del baryo ay si Pablo Parungao at ang mga kagawad ng sanggunian ay sina Eliseo de los Santos, Angel Ramos, Franciso Esteban, Teodoro Zamora, Aquilino Toralba at Miguel Cunanan. Kalihim si Juanito Punzal, ingatyaman si Telesfro Poblete at hepe ng pulisya si Teodoro Casimiro. Ang mga pulis nayon ay sina Loreto de la Cruz, Eugenio Hernandez, Luis Soriano, Gabriel Prado at Enrique Oriel.
Ang Patrong Pintakasi ng Bugtong na Buli ay si San Gregorio inihandog sa nayon ni Engarcia Maliwat at sunod sa pangalan ng kanyang yumao nang ama si Gregorio Maliwat. Nakalagak ito sa bisitang pinagsikapang ipatayo nina Pablo Parungao at Eliseo de los Santos sa lupang si Engarcia Maliwat din ang nagkaloob sa nayon. Nobyembre 27 ang kaarawan ng nasabing patron.
Nakapagtapos ng iba’t-ibang karunungan:– Pagututuro: Julieta Santos, Gaudencio Pingol; Iniheryo : Edilberto Punzal ; Radio Mekaniko: Rufino Casimiro ; Pananahi: Maria del Prado, Rufina Pineda.
SOURCE: Libro ng Kasaysayan ng Talavera, Nueva Ecija na sinulat ni TOMAS I. PAGADUAN
#talaveratourism
#talaveraangpusongnuevaecija
#LoveThePhilippines

Official Website Talavera Municipality