Kusina Para sa Batang Talavera

Inilunsad ang Kusina ng Kalinga (KnK) sa Bayan ng Talavera sa pangunguna ng Gawad Kalinga (GK) nitong ika-20 ng Nobyembre, 2017 sa Talavera Central School kasama ang Lokal na Pamahalaan ng Talavera, Ateneo de Manila University at Department of Education (DepEd). Ang KnK ay kampanya upang wakasan ang gutom sa pamamagitan ng sama samang pagmamalasakit sa mga kabataan.

Sa tulong ng pagbabayanihan ng mga magulang at guro, lokal na pamahalaan, komunidad at pribadong sektor, layunin ng programa na makapaghatid ng masustansyang pagkain para sa mga mag-aaral. Mabibigyan din ng mas maayos na buhay ang mga kabataan sa pamamagitan ng programa, lalo’t direktang maaapektuhan nito ang kanilang pag-aaral maging ang kanilang kalusugan.

Ang KnK ay inumpisahan ng GK at Ateneo de Manila University upang bigyan ng solusyon ang problema sa kagutuman sa ating bansa. Layunin ng programa na tuluyang wakasan ang malnutrisyon na nakaaapekto sa mga mag-aaral at bigyang pansin ang mga kabataang mas pinipiling maghanapbuhay upang magkaroon ng kakainin sa araw-araw. Sa pamamagitan ng KnK, magkakaroon ng pagkakataon ang mga bata na makapag-aral ng maayos na hindi iniintindi ang gutom.

Malaki ang pasasalamat ni Talavera North District Supervisor Apollo A. Lactao sa tulong at suporta ni Mayor Nerivi Santos Martinez at sa handog ng lokal na pamahalaan na pasilidad, gamit pangluto at mga baunan para sa mga bata. Gayundin sa mga magulang ng mga bata na tumutulong sa pagluluto ng pagkain ng kanilang mga anak. Katuwang din sa programa ang mga punong barangay upang maihatid ang mga pagkain sa bawat paaralan. Ayon kay G. Lactao, ang mga pagkaing ihahanda para sa mga bata ay siguradong masustansya at maganda sa kalusugan. Bukod dito, nagkaroon din ng pagsasanay sa paghahanda ng mga pagkain upang matiyak ang kalidad at sustansya ng mga ito.

Labing anim (16) na paaralan mula elementarya ang benepisyaryo ng programa at ito ay magpapatuloy sa loob ng isang daan at dalawampung (120) araw. Sa paguumpisa ng programa, masayang ibinalita ni G. Lactao na sa inaasahang tatlong daan at dalawampu’t apat (324) na bata, umabot na sa mahigit pitong daan (700) ang napakaing mag-aaral.

Ang Kusina ng Kalinga ay magandang oportunidad sa Bayan ng Talavera lalo na sa kalusugan ng mga batang mag-aaral. Sa sama-samang pagtutulungan ng Gawad Kalinga, Lokal na Pamahalaan ng Talavera, Ateneo de Manila University, DepEd, mga pribadong sektor at mga magulang ng mga bata sa pagsugpo sa gutom at malnutrisyon, hindi malayong makamit ng mga kabataan ang isang malusog at maayos na buhay.

(MALR)

#Serbisyong
NERIVI

Contact Info

QUEZON STREET, PAG-ASA DISTRICT, TALAVERA, NUEVA ECIJA, 3114
www.talavera.gov.ph
(044) 940 – 8700

Emergency Hotline

Copyright © 2015. Municipality of Talavera, Province of Nueva Ecija. All rights reserved.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!