LGBTQ Pride
Sa pangunguna ng Municipal Health Office, nagkaroon ng isang pagpupulong ang mga miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender/Transexual at Queer/Questioning (LGBTQ) na ginanap noong ika-23 ng Agosto, 2017 sa Mayor’s Hall, Talavera, Nueva Ecija. Kaugnay nito, nagkaroon ng kauna-unahang eleksyon ng mga opisyal ang LGBTQ-Talavera Chapter upang manguna sa kanilang organisasyon. Tinalakay din sa pagtitipon ang lumalalang kaso ng HIV/AIDS.
Pinangunahan ni Municipal Health Officer, Yolanda C. Lucas, MD ang pagtitipon at pinasalamatan ang mga nakiisa sa programa. Ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng pagtitipon at sinabing ang Municipal Health Office (MHO) ay ninanais na magkaroon ng makahulugang pakikipag-ugnayan sa sektor ng LGBTQ upang matalakay dito ang sintomas ng HIV at lalong lalo na kung paano ito maiiwasan. Binigyang diin ni Dr. Lucas na sa pagkakaroon ng wastong kaalaman, walang dapat ikatakot ang sinuman, lalo na at nakaagapay ang MHO kanila. Aniya, umaabot na sa dalawampu’t anim (26) ang naitalang kaso ng HIV sa Bayan ng Talavera. Kaugnay nito, hinikayat niya ang bawat isa na magtungo sa mga Rural Health Unit (RHU) upang sumailalim sa HIV Testing at Counseling dahil libre naman ang mga ito maging ang treatment na kinakailangan.
Dumalo sa pagtitipon sina District Medical Officer, Evelyn I. Abesamis, MD mula sa Department of Health (DOH) Regional Office III at Councilor for Health, Angie Soleta. Tinalakay ni HIV Screening Practitioner, Sherwin Baniqued ang tungkol sa HIV. Dito ay ipinaliwanag niya ang kanilang organisasyon na “Juan Posi+ive Movement”, isang samahan na naglalayong magbigay kamalayan at maghatid ng serbisyo sa publiko.
Nagpasalamat si Mayor Nerivi sa lahat ng nagbigay ng oras upang dumalo sa programa. Ayon sa kanya, ang layunin ng pagtitipon ay maisaayos at mapagsamasama ang LGBT community sa Bayan ng Talavera, upang maisulong ang mga adbokasiya at tratuhin na pantay pantay ang mga miyembro nito na walang halong diskriminasyon. Sinabi niyang ipagbigay alam lamang sa pamahalaan ang kanilang mga kailangan tulad ng scholarship, livelihood at trainings dahil prayoridad ng pamahalaan na magkaroon ng maayos na kalagayan higit ang sektor ng LGBTQ. Ipinabatid ni Mayor Nerivi ang kanyang galak kasama ang hiling na maging produktibo ang bawat miyembro upang magbunga ng maganda ang kanilang organisasyon.
(MALR)