Skip to main content

Mga Kakanin, Bida sa Cooking Contest

Sa pagdiriwang ng Linggo ng Magsasaka, isinagawa ang Mothers Cooking
Contest nitong ika-10 ng Mayo, taong kasalukuyan. Ito ay ginanap sa Municipal Gym,
Talavera, Nueva Ecija.

Binigyan ng kaukulang pansin ang paggawa ng kakanin gamit ang iba’t ibang
klase ng bigas. Sampung (10) kalahok ang nakiisa sa patimpalak. Sila ay mula sa
barangay Caaninaplahan, Dimasalang Norte, Tagaytay, San Miguel na Munti,
Paludpod, Bugtong na Buli, Basang Hamog, Valle at dalawang kalahok mula sa
Barangay Esguerra District.

Ilan sa mga ihinanda ng mga kalahok ay Tamales, Squid Rice, Biko, Brown Rice
Biko, Archuleche, Bilo Bilo at Brown Rice de Pastillas na ikinatuwa ng mga hurado at
mamamayan sa taglay nitong linamnam at lasa. Ito ay hinusgahan nina Gng. Francisca
Guevarra ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Gng.
Odessa Mazano ng Department of Trade and Industry (DTI) at G. Arthuro Ilagan ng
Municipal Cooperative and Entrepreneurial Development Office (MCEDO).
Matapos ang patimpalak, nakatanggap ng unang pwesto ang Tamales na
ihinanda ni Cristina Orlanda ng Paludpod. Ang ikalawang pwesto ay ang Brown Rice
Biko Special ni Rosalinda Domingo ng Tagaytay at ang ikatlong pwesto ay ang Bilo-Bilo
na ihinanda ni Jocelyn Sumawang mula Valle.

Nais ni Mayor Nerivi Santos Martinez na ang paggawa ng kakanin ay magsilbing
pagkakakitaan ng mga kababaihan sa Bayan ng Talavera. Sa pagbibigay ng
karagdagang halaga sa bigas, mas malaki ang maaaring kitain ng bawat isa.
Ang Pamahalaang Lokal ng Talavera ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng
nakilahok at nagbigay ng suporta sa ginanap na patimpalak. Gayundin, sa bawat isa na
dumalo at nakiisa sa pagdiriwang ng Linggo ng Magsasaka.

(MALR)

Official Website Talavera Municipality