Skip to main content

Pag-asa sa Bahay Bagong Buhay

Matagumpay na nagtapos ang ikatlong pangkat ng reformists na binubuo ng tatlumpong (30) katao kasama ang labing dalawa (12) pa na nagmula sa unang pangkat sa ginanap na Bahay Bagong Buhay Reformation Center Graduation Day nitong ika-15 ng Setyembre, taong kasalukuyan. Ang pagtatapos ay ginanap sa Mayor’s Hall, Talavera, Nueva Ecija.

Malugod na binati ni Mayor Nerivi Santos Martinez ang lahat ng nagtapos. Aniya, isang malaking pagsubok sa Lokal na Pamahalaan ng Talavera ang pagiging ikalawa sa buong lalawigan ng Nueva Ecija na may pinakamaraming drug surrenderees kaya’t nagsisikap ang pamahalaan upang mabigyan ng solusyon ito. Sa pamamagitan ng Bahay Bagong Buhay Reformation Center at sa suporta ng bawat barangay, kapulisan at pamahalaan, unti unting nakakamit ng mga reformist ang pagbabagong dulot ng kanilang pagpasok sa Bahay Bagong Buhay. Ayon kay Mayor Nerivi, hindi natatapos sa reformation program ang papel ng Lokal na Pamahalaan ng Talavera upang makatulong sa mga reformist dahil marami pang mga programa ang maaaring makatulong sa kanila.

Ayon naman kay Familia Foundation Inc. Founder Rolando Victoria, ang pagtatapos ng labing dalawang (12) araw na reformation program ay simula pa lamang ng isang bagong buhay para sa mga reformist. Hinikayat niya na isapuso at isabuhay ang mga natutunan at nagpahayag ng suporta sa pagbibigay ng skills training para sa kanila.
Kasama sa programa si Bishop Ricardo Quesada na kinilala ang lahat ng nagbigay ng oras at nagsikap upang maging matagumpay ang programa. Aniya, ang tunay na pagbabago ay makikita kung isabubuhay ang pananampalataya. Tiniyak din nya na bibisitahin ang lahat ng reformists upang matutukan ang kanilang tunay na pagbabago. Ayon naman kay PSupt. Joe Neil Rojo, ang tagumpay ng programa ay dahil sa pagkakaisa ng kapulisan, pamahalaan, mga kapitan, religious groups at Civil Society Organization (CSO). Para sa kanya, ang reformists ay nagpakita hindi lang ng tapang at lakas ng loob kundi ang pagnanais na magbago upang sumailalim sa programa.

Lubos ang pasasalamat ng mga reformist sa Pamahalaang Bayan ng Talavera sa pangunguna ni Mayor Nerivi Santos Martinez at sa Talavera Police Station na patuloy na nagbibigay ng suporta sa kanila. Ang layunin ng programa na makatulong sa panibagong buhay at pag-asa ng mga mamamayan ng Talavera na nalulong sa ipinagbabawal na gamot ay patuloy na pinagtutulungan tungo sa ikaaangat ng buhay ng bawat isa.

(MALR)

Official Website Talavera Municipality