Pagbabago Tungo sa Pag unlad ng Kababaihan
Ipinagdiriwang ang National Women’s Month tuwing buwan ng Marso bilang pagkilala sa mga nakamtan ng mga kababaihan habang isinusulong ang gender equality. Ang tema sa taong ito ay, “We Make Change Work for Women.”
Ito ay hindi lamang isang pagkakataon upang pasalamatan ang lahat ng kababaihan na nakagawa ng makabuluhang pagbabago sa iba’t ibang larangan kung hindi pati na rin ang pagbibigay pugay sa kakayahan ng bawat kababaihan. Ang positibong pagbabago ay maaaring makapagbigay ng pagkakataon sa bawat isa upang magkaroon ng karapatan at pagkakataong lumahok sa mga diskusyon at isyu ng lipunan.
Ang magkaroon ng boses sa iba’t ibang aspeto ng lipunan at makapagbahagi ng kanilang mga karanasan ay ilan lamang sa mga layunin ng pagdiriwang. Lahat ay may hangaring makamit ang kapayapaan at pagkakaisa. Kaya sa pamamagitan nito, inaasahang mas mapagtibay ang kakayahan ng bawat isa upang malabanan ang mga karahasan na nararanasan ng mga kababaihan.
Sa huli, ang pagdiriwang na ito ay nagbibigay pag-asa sa lahat hindi lamang sa mga kababaihan, na maging pantay pantay ang trato ng bawat isa sa lahat ng larangan upang ito ay maging dahilan ng pagkakaisa ng mamamayan. Bilang kauna unahang babaeng Mayor ng Talavera, Si Mayor Nervi Santos-Martinez ay isang ehemplo ng kababaihan sa pag-unlad. Ang bayan ng Talavera ay nakikiisa sa pagdiriwang ng National Women’s Month.
Mabuhay ang kababaihan!
(MALR)