Palarong Bayan 2017
Sa nalalapit na pista ng bayan ng Talavera, ipinagdaos ang pagbubukas ng Palarong Bayan bilang pagsisimula ng selebrasyon. Nagbigay ng isang inspirasyonal na pananalita si Mayor Nerivi Santos Martinez at ayon sa kanya, ang Palarong Bayan ay nagbibigay ng sobrang kasiyahan hindi lamang sa mga manlalaro. Ipinahayag din niya ang kanyang kasiyahan dahil may kabuuang anim napu’t walo (68) ang mga nakilahok sa palaro na binubuo ng barangay, inter-commercial at inter-office mula sa Talavera. Dahil sa partisipasyon ng lahat, inaasahan na magiging maganda ang resulta ng aktibidad.
Layunin ng palaro na matutunan ng bawat isa ang disiplina at pakikipagkaibigan. Maging ang sportsmanship na mahalagang aspeto sa tagumpay ng mga kalahok. Nagiging maganda ang bunga nito sa bawat isa, dahil naipakikita ng mga manlalaro ang kanilang kakayahan pagdating sa larangan ng basketbol.
Dumalo si Konsehal Renan Morales ng San Antonio at bilang kinatawan ni Governor Cherry Umali at Atty. Oyie Umali, dumalo ang Vice Mayor ng lungsod ng Cabanatuan na si Dr. Anthony Umali. Ayon sa kanya, ang pagkamit ng pangarap ng mga kabataan ay nakasalalay sa kanilang sarili at nakasuporta ang pamahalaan sa kanilang mga pangarap.
Binigyang parangal ang mga lumahok para sa Binibining Palaro 2017 at tinanghal na kampeon si Jerina Anne Moreno mula Dimasalang Norte. Nakuha ng El Kapitan na si Sarah De Leon ang pangalawang pwesto at ang ikatlong pwesto ay nakuha ni Ma. Isabel Lim na mula sa Sangguniang Bayan. Pinarangalan din na “Best in Uniform” ang mga manlalaro sa Mayor’s Office (Inter-office Division). Inaasahang magiging payapa, masaya at maayos ang pagdaraos ng Palarong Bayan sa taong ito.
(MALR)