Skip to main content

Talavera, Nagsanay ng RDANA

Sa tulong ng Office of Civil Defense (OCD) Region 3, matagumpay na nagtapos sa limang araw na Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) Training ang dalawampu’t anim (26) na kawani ng Pamahalaang Bayan ng Talavera kasama ang ilang pribadong sektor at pamahalaang nasyonal. Ito ay ginanap sa Angeles City, Pampanga mula ika-6 hanggang ika-10 ng Agosto, 2018.

Ang pagsasanay ay bahagi ng mandato ng Office of Civil Defense (OCD) sa ilalim ng Republic Act 10121 na nagtatakdang bumuo ng mga grupong handang magbigay ng agaran at wastong hakbang upang matugunan ang mga pangangailangan sa oras ng sakuna.

Ito ay isang instrumentong ginagamit sa pagtugon sa panahon ng kalamidad upang matukoy ang lawak ng pinsala na dulot ng sakuna maging ang mga pangunahing kailangan ng mga nasalanta gaya ng pagkain, gamot, tubig at matutuluyan.

Mahalagang bagay ang pagsusuri gamit ang RDANA dahil sa pamamagitan nito, maaaring malaman kung gaano kalubha ang naging epekto ng isang kalamidad, lalo pa at ang mga datos na nakukuha rito ay magagamit sa pagsasaayos ng mga nasirang imprastraktura at ari-arian. Higit na makatutulong din ang mga natutunan ng mga kawani sa kabuuan ng pagsasanay kabilang ang RDANA concept of operations, mobilization, methodologies at preparation for deployment.

Bilang bahagi ng panghuling pagsusuri, sumabak sa isang aktuwal na RDANA deployment ang mga kawani na ang pangunahing layunin ay matukoy ang mga tamang hakbang at mga kailangan kung sakaling magkaroon ng baha. Kabilang sa mga lugar na kanilang sinuri ang isang residential area, paaralan, evacuation center at hotel kung saan nagamit nila ang mga konsepto at kasanayan na kanilang natutunan.

Ang mga nagsanay ay binubuo ng mga empleyado mula sa iba’t ibang departamento ng Pamahalang Bayan ng Talavera sa pangunguna ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) kasama ang Bureau of Fire Protection (BFP), Talavera Police Station at Department of Education (DepEd) mula sa pamahalaang nasyonal maging ang ilang pribadong sektor gaya ng Nueva Ecija Electric Cooperative II Area I (NEECO II AREA I) at Talavera Water District.

Nagsilbing tagapagsanay sina Tarlac Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer (PDRRMO) Sherwin Rosales, Mr. Michael Dumlao ng Office of Civil Defense Region III at Mr. Marlon Quiding ng Angeles City Disaster Risk Reduction Management Office.

Gaya ng pagsisikap ng pamahalaan na mapaigting ang antas ng kahandaan ng bawat isa sa pagdating ng sakuna, napagtitibay rin nito ang kakayahan at kaalaman ng bawat kawani sa pagbibigay ng wasto at angkop na hakbang sa panahon ng kalamidad.

Inaasahang ibabahagi rin ng mga nagtapos ang naging pagsasanay sa RDANA sa iba pang kawani ng pamahalaan upang mas mapalawig ang pagbibigay ng aksyon at paghahatid ng serbisyo sa bawat mamamayan ng Talavera kung sakaling magkaroon ng kalamidad sa bayan maging sa karatig-lugar. Ito ay pagsasanay upang mas mabigyan ng tama at wastong kaalaman ang ating Municipal Disaster Risk Reduction Management (MDRRM).

MALR

Official Website Talavera Municipality