Skip to main content

Talavera, Sumailalim sa National Validation

Kaugnay ng Seal of Good Local Governance (SGLG) na programa ng Department of Interior and Local Government (DILG), sumailalim ang Lokal na Pamahalaan ng Talavera sa isang SGLG National Validation nitong ika- 23 ng Agosto 2017. Ito ay isinasagawa ng DILG upang matukoy kung ang isang pamahalaang lokal ay sumusunod sa pamantayan ng mabuting pamamahala.

Ang SGLG ay isang pagkilala na inaasam ng bawat pamahalaang lokal dahil ito ang pinakamataas na parangal na ibinibigay ng DILG na sumisimbolo sa integridad at kahusayan tungo sa pag-unlad ng isang pamahalaan. Layunin nitong maipalaganap ang responsibilidad ng bawat pamahalaang lokal sa pagbibigay ng tamang serbisyo publiko.
Tunay na isang karangalan na makamit ng Pamahalaang Lokal ng Talavera ang SGLG noong 2016. At ngayong taon, ang pagsailalim ng Talavera sa pagsusuri ay isa na namang karangalan dahil ilan lamang ang nabibigyan ng pagkakataon para rito. Kaya’t taos puso ang pagbati ni Mayor Nerivi kasama ang lahat ng pinuno ng bawat opisina sa mga miyembro ng validation team na pinangunahan nina LGOO IV Elmer Tomagan, LGOO II Vengie Pelonia, IT Officer Roel Vergel Rodriguez ng Bureau of Local Government Supervision at LGOO II Alfa Krista Cruz mula sa DILG-Provincial Office.

Ang SGLG ay isang paraan upang masuri ang kakayahan ng bawat pamahalaang lokal sa pamamagitan ng mga pamantayan ng DILG. Kabilang dito ang 4 core assessment areas tulad ng Financial Administration, Disaster Preparedness, Social Protection at Peace and Order. Ang Business Friendliness and Competitiveness, Environmental Management at Tourism ay kabilang sa 3 essential areas.

Ang Lokal na Pamahalaan ng Talavera ay positibo na muli nitong maipapasa ang pamantayan upang makamit ang SGLG ngayong taon. Isa ring pagpupuri sa pagsisikap ng bawat opisina sa kanilang pagbibigay ng mabuting serbisyo at sa maayos na pagsunod sa pamantayan. Nawa, ang pagsisikap ng bawat isa ay magbigay daan tungo sa muling pagkamit ng Pamahalaang Lokal ng Talavera sa SGLG na sumisimbolo sa maayos at tapat na pamamahala.

(MALR)

Official Website Talavera Municipality