Tipanan ng Kapayapaan, Nilagdaan sa Talavera

Matapos mag-sumite ng Certificate of Candidacy, nakibahagi ang mga tatakbo sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections 2018 sa isinagawang Peace Covenant Signing sa Himnasyo ng Bayan, Talavera, Nueva Ecija nitong ika-27 ng Abril, 2018, upang ipakita ang kanilang pakikiisa sa isang mapayapa at maayos na eleksyon.

Sa pangunguna ng Lokal na Pamahalaan ng Talavera, PNP-Talavera Police Station at Commission on Elections (COMELEC), ang programa ay dinaluhan ng mahigit pitong daang (700) kandidato. Dumalo sa programa sina Mayor Nerivi Santos Martinez, Vice Mayor Anselmo B. Rodiel III kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, COMELEC Acting Election Officer Jose Ramiscal, DILG-MLGOO Jovi Marquez, St. Isidore Parish Priest Fr. Aldrin Domingo at Bishop Ricardo Quesada na nanguna sa paglagda sa tipan.

Kasama sa pambungad na panalangin na pinangunahan ni Fr. Aldrin ang paghiling na magkaroon ng malinis na hangarin ang mga kandidato para sa isang matapat na paglilingkod sa bayan. Pinaalalahanan naman ng COMELEC at DILG ang mga kandidato sa pagsunod sa mga patakaran ng COMELEC, lalo’t higit ang pagsunod sa mga regulasyon bago ang eleksyon.

Sa mensahe ni Mayor Nerivi, binigyang diin niya na ang pagkakaisa ang patunay ng isang maayos at mapayapang eleksyon. Hiniling niya na mapanatili ang magandang katayuan ng Bayan ng Talavera pagdating sa kapayapaan at kaayusan ng darating na eleksyon. Payo niya na magkaroon ng tunay na malasakit ang mga nagnanais maglingkod sa barangay at bilang unang hakbang tungo rito, binanggit niya na kinakailangang sumailalim ang lahat ng kandidato sa isang drug test na pangungunahan ng PNP.

Ang programa ay naging isang paalala na pagkatapos ang eleksyon, ang lahat ng kandidato ay sama-sama pa ring magtutulungan para sa mas ikagaganda at ikauunlad ng bawat barangay at ng Bayan ng Talavera.

#Serbisyong
DiretsoSaTao

Contact Info

QUEZON STREET, PAG-ASA DISTRICT, TALAVERA, NUEVA ECIJA, 3114
www.talavera.gov.ph
(044) 940 – 8700

Emergency Hotline

Copyright © 2015. Municipality of Talavera, Province of Nueva Ecija. All rights reserved.
Official Website Talavera Municipality